FEATURE OF THE WEEK

FASHION | 16 Work Outfits That'll Make You Feel Like a Boss (And Look Like One Too!)

  In the world of professional style, the right work outfits can completely transform not just how you look but how you feel. From chic blaz...

Wednesday, December 9, 2015

JOURNAL | Pilipino, Isang Depinisyon

Pilipino, Isang Depinisyon


Ano ka? Ano siya? Ano ako?
Sabi nila'y Pilipino.
Ugat natin ay Silangan
Anak dagat ang ninunong hatid dito ng barangay
Galing doon sa malayo sa matandang kalupaan
Dito sila ipinadpad ng magandang kapalaran.




Pilipino, Isang Depinisyon
Ni Ponciano BP Pineda


Naibigan itong pulo kaya't dito nangagkuta
Nanirahan, nangaglahi, nangabuhay ng sagana
May ugaling katutubo, may gobyerno at bathala
May samahan at ibigan, maayos at payapa
May sariling wika
Tayo raw ito
Sa ante-panahon ng kolonyalismo

Walang abog
Mula sa kanluran, ang dayo'y sumapit
Ako ay hinamak, siya ay inapi, ikaw ay hinamig
Siniil ang laya, kinamkam ang yaman
Barangay ay binuwag
Mga tala ay sinunog
Abakada'y ibinawal
Ipinasyang mga mangmang
Ang lahat ng katutubong kayumanggi ang kulay
At naging alipin ang bayan kong irog
Ma-iloko, ma-bisaya, ma-kapampangan, ma-tagalog
Ito tayo - Pilipino.

At sa halip, at sa halip
Pinalitang lahat lahat
Ang gobyerno, ang relihiyon, ang ugali, ang kultura
Kinastila itong dila
Itong puso'y kinastila
Edukasyon ay hulog ng langit
Mga tao ay dumunong sa pagbasa at pagsulat
Kastilaloy ang panturo, kastilaloy ang balangkas
Kaya ako'y nakastila
Sa kaluluwa at sa balat

Pinagtilad-tilad - ikaw, ako't siya
Sa adhika'y paghatiin: divide et empera
At yumabong
Ilukano'y ilokano
Kapampanga'y kapampangan
Bikulano'y bikulano
Pangasina'y pangasinan
Ang cebuano ay cebuano
Iyang wara'y laging waray
Ang muslim laging muslim
Ang tagalog ay tagalog
Kanya-kanya, tayo-tayu
Masawi man ang sampangkat
Malipol man ang sangtribu
Huwag lamang tayo
Huwag lamang ako
Pagka't tayo'y ito
Mga Pilipino

Ang naamis ay nagbangon, lumaban, naghimagsik
Kamatayan ay sinuob, sinagupa ang panganib
Bumagsak ang mapaniil na nag-iwan ng bakas
Kolonyal na edukasyon, ekonomiya at sosyedad
Kaya't tayo'y itinindig sa kislap ng mga tabak
At sa kawit nawagayway ang maningning na sagisag
Datapwat sasansaglit
Pagsasarili ay inagaw ng malakas
Dinagit ng buhalang diumano'y bagong mesiyas
Diumano'y naparito upang noon ay iligtas - 
Ang barbarong walang dunong, walang alam sa paghawak 
Ng gobyerno at ng layang para lamang sa di-uslak.

Di gayon nga
Autoridad ay naiba
Napalitan ang balangkas, nangabago ang sistema -
Ngunit 'yon din: ang dayuha'y panginoon
Pilipino ang busabos, nakayuko at tagasunod
Walang tutol!
Edukasyong popular: Kinano ang sistema
Umunlad, di nga kasi: Pilipino ay dumunong -
Naging kano sa ugali, naging kano sa pagsulong
Sadyang gayon ang katwiran
Masterin iyang wika't
Ang kultura niyang wika'y iyong mamasterin
Ang nangyari: ang produkto
Nitong ating edukasyon: prospektibong mandaraya,
Di gradwadong makabansa, hinding hindi Pilipino

Divide et impera
Ilokano'y Ilokano
Kapampanga'y kapampangan
Bikulano'y bikolano
Pangasina'y pangasinan
Ang cebuano ay cebuano
Iyang wara'y laging waray
Ang ilonggo ay ilonggo
Ang muslim laging muslim
Ang tagalog ay tagalog
Kundi rin lang itong akin
Mabuti pa ang sa dayo
Ito tayo
Pilipino
Isang lahing makatao, tayo tayo

At nagdilim
At kumulog at kumidlat at umunos
At ang ulan ay bumuhos ay bumaha at umunos
Ang sanlahi'y nagliyab naglulunod
Nagliliyag nalulunod

Ay salamat sa karimlan
Ay salamat sa magdamag
At sumilay ang liwayway ng maningning na liwanag
Isang phoenix ang nagbangon sa abo ng lumipas
Nagmistulang manunubos ng naamis nating palad
Kaguluhan ay naayos, mga giba ay binuo
Nalipol ang kasamaan, kayarian ay binago
Tenancy, ekonomiya, sosyedad, gobyerno
Edukasyo'y nakaangkop sa lahat ng kailangan
Nang sa gayo'y bumalikwas ang duhagi nating bayan.

Pinabubulalas ngayong muli ang kulturang katutubo
Bilang tanda ng luwalhati ang kahapong siniphayo
Ang layuni'y isang lahing sumapit na
          Isang bangsang hindi day
          Isang lahi't isang bansang
          Pilipinung Pilipino

Kailangan natin ngayon ay uri ng paturuang magbubuklod
Sa biyaya ng magandang katubusan
Sambandila't isang awit, isang wikang hindi hiram
Dapat itong maging bunga nitong bagong kaayusan

At pag ito'y natupad na
At pag ito'y naganap na
Masasabing taas noo

         Ikaw, siya, sala ako'y
         Mga bagong Pilipino.


No comments:

Post a Comment

We'd love to hear from you. Comment your reactions below.