FEATURE OF THE WEEK

EVENTS | Why Puerto Galera In The Philippines Is Perfect for Holy Week?

Holy Week in the Philippines is one of the most anticipated holidays, and for many Filipinos, it’s an opportunity for reflection, relaxation...

Friday, October 23, 2015

HISTORY | Kasaysayan Ng Dalahican

Noon ang Dalahican ay madalas maging pasyalan ng mga taga Lucena at kalapit bayan lalo na pag may okasyon o araw ng Linggo ng pagka-buhay. Sagana ang dalampasigan sa matatayog na puno ng niyog habang ang baybayin ay tigib ng mga kabibe at "star-fish". Maaaninag din sa linaw ng tubig ang buhangin. Di man puti ang buhangin sa Dalahican, naging tanyag din naman ito at naging bahagi pa ng pelikula noon ni Fernando Poe Sr. kung saan ginawa ang ilang parte ng pelikulang "Zamboanga".

Kasaysayan Ng Dalahican

Ayon sa mapagkakatiwalaang impormasyon, and lugar na ito (Dalahican) ay tumutubong isla sa pagitan ng dagat at Lalao. Ang Lalao ay isang lugar na malalim ang lupa na may mga tubig. Mga buhangin dala ng malalakas na alon mula sa dagat ang natambak din dito na sa katagalan ay naging isla at tinubuan ng iba't ibang klase ng halaman at punong kahoy na siya namang ginawang tirahan ng iba't ibang klase ng ibon at hayop tulad ng baboy damo, usa at iba pa.



Kasaysayan Ng Dalahican


Written by Myrna D. De La Vega. Unpublished (Dalahican, Lucena City, 1999)

Hanggang sa may makatuklas sa lugar na ito na akala mo ay isang paraiso, na matatagpuan sa tagong lugar sa madawag na bahagi ng bayan ng Tayabas. Bagamat sagana sa pagkukunan ng pagkain mula sa lamang dagat, bungang kahoy at hayop mula sa kagubatan, mahirap ang pamumuhay rito, gayun din ang pagkukunan ng tubig inumin. Wala pang kalsadang nag-uugnay sa lugar na ito at bayan ng Lucena. Ang tanging sakayan lamang noon ay bangka. Kapag naninirahan dito at nais pumunta sa bayan ng Lucena, sila ay sumasakay sa bangka at namamaybay sa malking ilog ng Dumacaa at ang daungan noon ay barangay Cotta.

Noong 1914 may dumating na tatlong dayuhan sa lugar na ito at nagpasyang dito na manirahan. Ang isa ay sa dulong ilaya, ang isa ay sa dulong ibaba at ang isa ay sa gitna. Ang tatlong ito ang nagbigay ng pangalan sa lugar na ito: mula sa Dala na dating itinawag sa unang nakatuklas sa lugar na ito, ginawa nilang Dalahican. Ayon pa rin sa kanila ang sumunod na nakarating dito ay mga Boholano, sakay ng bangkang de sagwan- sina Carlos Padilla, Guitero Jaca, Ariston Bobadilla, gayun din ang isang kilalang pamilya na nagmula sa Gumaca ang nagpatayo ng isang bakasyunan dito, na naging senador, si dating Senador Lorenzo Tan.

Lumipas pa ang mga taon, nanatili na rito ang unang mga taong nakatuklas ng lugar na ito at ag ilang mga dayuhan; nag-asawa at nagka-anak. Dahil na rin sa mala paraisong lugar lalo na ang baybaying dagat at kasaganaan nito, higit na mapang-akit ito sa mga dayuhan.

Ilang mga panahong iyon ang Dalahican ay sitio pa lamang ng Dumacaa kasama ng Barra at Talao-Talao. Taong 1977 may anim na daang (600) residente at dalawandaan anim na pu't anim (266) rehistradong botante and gumawa ng isang kahilingan o petisyon na ipadala sa provincial board  upang mapahiwalay na ang Dalahican sa Dumacaa.

Nang ganap nang maging barrio ang Dalahican at mapahiwalay na sa Dumacaa lalong naging nabilis ang pagdami ng tao rito. Ang dating mga gubat, arimahan at lalao ay ginawang mga residential o tirahan ng mga tao. Ang kalimitang mga dumarating dito ay mga mangingisda. Dumarating sila dito sakay ng kanilang bangkang pangisda kasama ang buong pamilya. Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao dito. Nagkaroon na rin dito ng kalsada bagamat hindi pa konkreto, nadadaanan na ng sasakyan. Mayroon na noong apat (4) na jeep na diyang nagyayao't parito sa bayan ng Lucena. Mayroon na ring truck na naghahatid ng tubig inumin mula sa Tayabas. Dahil sa saganang-sagana pa noon ang yamang dagat ng Tayabas Bay at Dalahican maraming nahuhuling isda ang mangingisda dito, natuto silang itawid ang ibang isda sa bayan ng Lucena at ibang karatig na lugar.

Sapagkat unti-unti nang nakikilala ang Dalahican dahil sa produkto mula sa dagat. May ilan ng mga mamumuhunan ang nakapag-isip na maglagay o magtayo ng consignation / commissiom  na siyang pinagsusulitan ng mga mangingisda ng kanilang huling isda at amg mga mamimili ay doon na kumukuha. Isang taga-Cavite ang nagdala dito ng sistema ng bilihan ng isda o tawaran ng isda- ang bulungan.

Naglagay din ang mga tao dito ng Parola, isang posteng napakataas na may munting kubo sa dulo na may ilaw kapag gabi upang maging silbing guide o palatandaan ng mga mangingisda upang hindi sila maligaw. Matatagpuan ang parolang ito sa gitnang bahagi ng Dalahican malapit sa mga consignation.

Noon ay may apat (4) na bahagi ang Dalahican: Ilayam Ibaba, Ahon at Gitna o paikutan. Paikutan ang tawag dito dahil ang bawat sasakyang dumating dito ay tumitigil at iikot pabalik sa bayan ng Lucena. Wala noong kalsada patungong Ilaya at Ibaba sa tabing dagat o baybay dagat pa noon dumadaan ang mga at ilang sasakyan.

Nagkaroon ng rin ng Mababang Paaralan ang Dalahican na nag-umpisa sa apat na grado. Nag-umpisa sa Grade I - IV may apat na classroom, may 12-15 mag-aaral sa bawat grado.

Dahil sa pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan dito at naging sentro na ng kalakalan ang Dalahican sa iba't ibang uri ng yamang dagat. Nagtao rin dito ng Tanggapan ng Bureau of Fisheries, na noon ay matatagpuan sa tabing-tabi ng Dungon Bridge sa barangay Dalahican, ngunit sa ngayon ay abolished na.

Sa pangunguna ni Vicente Cuario noong 1960, itinatag at kinilala si San Rafael Arkanghel bilang patron at patnubay ng mangingsda. Ito ay ipinagdiriwang o nagdaraos ng ka-piyestahan tuwing ika-24 ng Oktubre. Matatagpuan ang kauna-unahang simabahan sa lugar na ito sa dulong ibaba. Ngunit sa pamamagitan ni G. Ano Magadia, hiniling niya na gawin nang ika-huling linggo ng Abril ang pagdaraos/pagdiriwang ng kapiyestahan ng patrong si San rafael, spagkat ang mga panahong iyo ay panahon ng panghuhuli ng isda o sagana sa isda. At maraming dayuhang mangingisda ang maaaring hingan ng tulong/donation  para sa okasyong ito.

Dati ang prusisyon ng Poon ay ginagawa sa tabing dagat o sa babaying dagat lamang. Subalit sa kahilingan ng mga may-ari ng mga basnigan na gawin sa gitna ng dagat ang prusisyon, isasakay sa bangka o basnig ang poon at ililibot sa dagat kasama ang maraming bangka na akala mo'y parada ng bangka sa dagat. Simula noon hanggang ngayon ay gayon ang ginagawa.

Sa kasalukuyan ang Dalahican ay may humigit-kumulang sa 18,000 populasyon at may 5,205 rehistradong botante. Ngunit ito ay nananatiling nakadepende sa IRA (Internal Revenue Allotment).

Sapagkat naging sentro ng komersyo ang lugar na ito, nagsibula na rin ang iba't ibang klase ng tindahan tulad ng sari-sari store, mini-grocery, electric supplies and merchandising, gasoline station, botika at ospital, hotel and restaurant, mga karinderya at iba pa. Nadagdagan ang ibang pinagkakakitaan ng mga tao tulad ng: panggagawa ng tuyo at tinapa, pagbabagoong, pagtitinda ng isda whole sale and retail, pagmamaneho ng jeep, tricycle, at pedicab. Nagkaroon na rin dito ng mga professionals tulad ng guro, enhenyero, nurse, midwife, pulis at iba pa.

Ang Dalahican Elemetary School sa kasalukuyan ay may humigit kumulang sa tatlong liboong (3,000) mag-aaral. At sa pamamagitan ni Bb. Gloria Banog, bilang punong-guro ng nasabing paaralan nagkaroon ng sangay ang Ibabang Dupay High School sa paaralang ito. At sa taong 1999 naumpisahan na ang klase para sa unang tao sa Mataas na Paaralan.

Bagamat sa Dalahican matatagpuan ang isang structure ng pag-unald tulad ng Fishing Port sa dami ng mamamayan dito ngayon higit pa ring mas marami ang naghihirap o nagdarahop na pamilya. Ang ganitong problema ang kasalukuyang pinagtutuunan ng pansin ng mga namumuno ngayon. Pinaglalaanan ng pondo ang mga maysakit na walang kakayahang bumili ng gamot at nagbibigay ng tulong sa mga namamayapang walang kakayahang magpalibing. Pinagpaplanuhan rin ang pagbibigay ng livelihood sa mga tao na nangangailangan nito upang makatulong sa pag-angat ng kanilang pamumuhay.

Ang lugar na ito ay masasabi mong malapit na sa pagunlad. Dumadalaoy na dito ag lahat ng klaseng sasakyang panglupa at may ilan na rin sasakyang pandagat. Higit na mas marami o dumarami ang mga tao dito kapag Fishing Season (buwan ng Enero hanggang Abril) at muling nababawasan kapag out of season (buwan ng Mayo hanggang Disyembre). 

No comments:

Post a Comment

We'd love to hear from you. Comment your reactions below.