Propaganda : Isang Maikling Kasaysayan
Ang kilusang Propaganda ay samahan ng mga ilustradong Pilipino na nagsipag-aral sa ibang bansa. Palibahasa'y marurunong, batid nila ang mga kalabisan na ginagawa ng mga Kastila sa Filipinas. Bilang may kaya sa lipunan, naisipan nilang itayo ang Propaganda upang maipabatid sa Espanya ang mga repormang sa tingin nila ay dapat ipatupad sa bansang Filipinas.
Ang Propaganda ay kilala sa pangunguna nina Marceol H. Del Pilar (tubong Bulakan) na mahusay sumulat. Naging tanyag si Del Pilar dahil sa angkin niyang husay sa pagpuna sa mga bagay bagay sa lipunan. Mahilig magbiro si Del Pilar na higit nagpasikat sa kanya.
Kasama rin sa grupo si Graciano Lopez Jaena. Naging usap usapan na may problema si Jaena sa pag-iisip subalit naging bantog dahil sa talas ng pananalita. Siya ang unang naging patnugot ng pahayagan ng Propaganda- La Solidaridad.
Syempre, kabilang dito si Jose Rizal. Hindi lingid sa marami ang sari saring karangalan na kanyang natamo. Si Rizal, kasama sina Del Pilar at Jaena ang tatlong pangunahing karakter sa likod ng Propaganda.
Ang kilusang Propaganda ay naka-angkla sa repormasyon o pagbabago ng sistema. Hindi nila isinulong ang pagsasarili bagkus ay ipinanukala nila na magkaroon ng asimilasyon o pagkilala sa Pilipinas bilang lehitimong kolonya ng Espanya. Iginiit nila na sapagkat nagbabayad ng buwis ang mga Pilipino sa pamahalaang Kastila ay nararapat lamang na tanggapin ng Filipinas ang kaukulang pribilehiyo.
Isinulong ng mga propagandista na magkaroon ang Filipinas ng representante sa Cortes ng Espanya. Gayundin naman, isinulong nila na maging pantay ang mga Pilipino at Kastila sa Filipinas.
Upang maiparating ang mga reporma sa pamahalaang Espanya, itinatag ng mga propagandista ang Asociacion Hispano-Filipino na nagsilbing lobby group. Sa kabilang dako'y ginamit ang La Solidaridad, opisyal na pahayagan ng samahan, upang ipabatid ang pang-aabuso ng mga Kastila. Naging kaagapay din ng mga propagandista ang masonry upang humikayat ng mas maraming kaanib.
Sa kasamaang palad ay hindi nagtagal ang Propaganda. Nawalan ng saysay ang kanilang mga ipinaglaban. Isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng samahan ang namuong inggitin at kakulangan sa pondo. Si Del Pilar at Jaena ay kapwa namatay sa sakit. Si Rizal ay nagtatag ng La Liga Filipina bago mapatay ng mga Kastila.
______________________
Hango mula sa mga lumang tala, Kasaysayan 1, February 20, 2006
No comments:
Post a Comment
We'd love to hear from you. Comment your reactions below.