FEATURE OF THE WEEK

FASHION | 16 Work Outfits That'll Make You Feel Like a Boss (And Look Like One Too!)

  In the world of professional style, the right work outfits can completely transform not just how you look but how you feel. From chic blaz...

Tuesday, May 21, 2013

JOURNAL | Kulturang Popular : Resistance at Evasion

Kulturang Popular : Resistance at Evasion


Isang magandang pagkakataon ang matalakay sa papel na ito kung ano ba para sa akin ang mas matimbang hinggil sa isyung inilatag ni Stuart Hall- evasion o resistance? Ayon kasi kay Hall, ang popular culture ay ang patuloy na tunggalian ng mga dominante/elitista at ng masa. Kaugnay nito, ang kulturang popular ay maituturing rin na kultura ng mga subordinates na hindi tumatanggap sa kanilang subordination. 


Medyo kumplikado na ba?!

Sa madaling sabi, ang kulturang popular ay ang walang tapos na pag-aagawan ng kapangyarihan/control at pagpapanatili nito sa mga dominant na uri ng ating lipunan upang isulong ang pansariling mga interes.


Evasion at Resistance : Saan Ka Ba Kabilang?

Sa pang-araw araw nating pakikisalamuha sa ibang tao, isama mo na rin ang interaksyon sa ginagalawang lipunan; mahirap maituro kung saan tayo kumikiling- resistance ba o evasion na? Maaari kasing mangyari na hindi mo batid na humuhugot ka ng kasiyahan sa isang produkto ng kulturang popular (example: mga soap opera sa TV, latest hit song, etc.) o maaaring may malalim na kahulugan ito para sa yo. 

Maaari rin namang evasion pala ang oryentasyon mo.

Sariling Halimbawa- Harry Potter

Natatawa ka siguro sa napili kong halimbawa. Sa totoo lang, noong una ay ayaw ko talaga sa Harry Potter dahil para sa akin ito ay pag-aaksaya lamang ng oras. Tawag ko pa nga noon sa aklat na ito ay Harry the Potter dahil kasabayan ito ng palabas ni Maricel Soriano na Mary the Potter. 

Subalit noong mabasa ko yung unang libro ng Harry Potter, bigla ako na-adik. Hindi ko rin alam kung bakit (subukan mo rin basahin). Halos lahat ng produkto ng Harry Potter ay ninais kong bilhin. Bawat pelikula ay tiniyak kong mapanood. 

Nagkaroon ako ng inspirasyon sa katauhan ni Hermione Granger bilang mahusay siyang mag-aaral at sinikap ko na maging katulad niya.


Sa puntong ito pumapasok ang katanungan- Bakit nga ba ganun na lamang ang lawak ng epekto ng isang produkto ng kulturang popular sa akin?

Kung ang evasion ay ang pag-derive o paghugot ng pleasure sa mga produkto ng kulturang popular, maaaring evasion nga ang ginagawa ko sa pagtangkilik sa Harry Potter dahil kahit alam ko na niloloko lang ako ng nobelang ito; kahit imposibleng mangyari ang nakasaad sa aklat, ay patuloy akong nasisiyahan sa pagbabasa.

Evasion At Pagtakas Sa Realidad

Hindi na lang basta panlilinlang sa sarili ang ginawa ko. Naging daan ang produkto ng kulturang popular upang makatakas sa realidad. Sa pamamagitan ng libro ay nagawa kong mabuhay sa isang mundong masaya at balot ng hiwaga; kung saan ang bida ay palaging nananalo sa huli.

Masarap sa pakiradam na magkaroon ng ganitong klase ng mundo. Isang uri ng utopia na kung saan lahat ay perpekto at ito ang naging bunga ng aking evasion. Ginamit ko ang pleasure sa usapin ng power struggle upang mapa-ilalim sa power blocs.

Pagpuna sa Bakya

Subalit ang pagbabasa ko ng Harry Potter ay naging isang mahinang uri din naman ng resistance. Natuto ako kung paano maging kritikal sa ibang produkto ng kulturang popular. Inilagay kong batayan ang Harry Potter sa pagsipat sa mga akdang Filipino o yung mga pocket books na mabibili mo ng 15 to 20 Pesos sa palengke. 

Sa paki wari ko ay hindi "bakya" ang Harry Potter dahil mga elitista at may pera lang ang nakakabasa nito. Ngunit naisip ko, ano nga ba naman ang pinagkaiba ng Harry Potter sa mga pocket books? Kapwa naman ito naglalaman ng mga kwentong walang katuturan.

Dahil ba ang pocket book  nakasulat sa Tagalog kaya ito ay bakya?

Marami sa atin ang nag-iisip na tanging mga nakasulat lamang sa Ingles ang dapat na ituring na mahusay. At ang Tagalog ay para lamang sa masa.

Kongklusyon at Pagtatapos

Hindi ko pa rin masasabi na mas malakas na ang aking resistance kesa evasion. Patuloy akong humugot ng ligaya sa mga produkto ng kulturang popular. Ang alam ko lang, conscious ako na dapat ay maging kapaki-pakinabang ang isang bagay sa aking pakikisalamuha sa ibang tao at sa aking sarili.

____________________
Hango mula sa mga lumang tala, Panitikan ng Pilipinas 17



No comments:

Post a Comment

We'd love to hear from you. Comment your reactions below.