Wika Ko sa Pelikulang Koreyano: Isang Pagtalakay sa Kung Paano Nakakaapekto ang Pagsasalin ng Wika sa Pelikulang My Sassy Girl
Hindi maikakailang naging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang panonood ng pelikula. Ang pelikula ang isa sa mga libangan ng mga Pilipino na hindi pwedeng mawala sa atin. Sa katunayan, malaki ang naging gampanin ng pelikula sa ating kultura. Dito sa mga pelikulang ito naipapakita ang mga nangyayari sa ating lipunan. Hindi ba’t panahon pa lamang ng mga Amerikano ay nagsimula ng tangkilikin ng mga Pinoy ang mga pelikulang noo’y sa sinehan lamang ipinapalabas.
Ang mga hinangaang artista noon ay pawang mestizo at mestiza na patunay sa hilig ng mga Pilipino sa kagandahang may bahid banyaga. Hanggang sa ngayon naman ay patuloy pa rin ang ganitong sistema. Mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga artistang may ibang lahi at ang pisikal na anyo ay yaong hindi talagang Pilipino, kung hindi nakasunod sa mga artista sa ibang bansa gaya ng Amerika. Hindi na siguro natin ito maiaalis sa atin. Matapos ang ilan daang taong pagkaka-ilalim sa mga banyaga ay nagkaroon na tayo ng mababang pagtingin sa sarili nating uri.
Subalit sadyang bilog ang mundo. Nabago ang nakaugalian. Ngayo’y unti-unting napapaling sa mga Asyanong pelikula ang mga Pilipino. Noon pa ma’y naging taga-sunod na ang marami sa mga Tsinong pelikula. Ito ay yaong mga tinatawag na martial art films. Dito natin nakilala sina Bruce Lee, Jackie Chan at Jet Li. Marahil sa pagliit na rin mundo dahil sa mga makabagong kagamitan, ang wika na dati’y balakid sa pag-uugnayan ng mga bansa ay unti-unti na ring nalagpasan.
Ngayon, ang mga pelikula sa iba pang mga bansa tulad ng Mexico, Korea, at Japan ay tinatangkilik na rin. Iba pa rito ang mga soap opera na naging bahagi na ng mga telebisyon ng bawat tahanang Pilipino gabi-gabi.
Partikular ang mga pelikulang Koreyano. Isang palaisipan para sa marami kung bakit ba tinatangkilik ang mga pelikulang gawa sa Korea kahit na ito ay gumagamit ng wikang hindi naman naiintindihan. Marami ang posibleng sagot subalit hindi maikakailang ang mga pelikulang Koreyano ay nagtataglay ng mga elementong nauunawaan hindi lamang sa bansang Korea ngunit gayundin sa iba’t ibang bansa. Ito na nga ang mga tema ng pag-ibig na palaging kasama sa mga kwento ng pelikulang Koreyano.
Ang pelikulang My Sassy Girl, na ngayon ay ginawa na ring pelikula sa Hollywood ay hindi naiiba sa mga pelikulang Koreyano. Sentro ng pelikulang ito ang pag-iibigan ng dalawang tao sa di sinasadyang pagkakataon. Nakatutuwang isipin na kahit na Koreyano ang salitang ginamit dito ay tunay namang binigyang pansin pa rin ng mga Pilipino ang pelikula. Salamat sa pagsasalin ng wika na matagal na ring ginagawa sa mga soap opera ay naunawaan ng marami ang pelikula.
Ang nakapagtataka nga lamang ay kahit na batid ng mga Pilipino na ito ay mula sa bansang Korea, ay hindi naman ito naging hadlang upang maikabit ang mga karanasan nila sa mga nangyayari sa kwento. At ito nga ay dahil sa wika ginamit sa pelikula, na naunawaan at naging daan upang magkaroon ng kabuluhan ang kwento.
Ang nakapagtataka nga lamang ay kahit na batid ng mga Pilipino na ito ay mula sa bansang Korea, ay hindi naman ito naging hadlang upang maikabit ang mga karanasan nila sa mga nangyayari sa kwento. At ito nga ay dahil sa wika ginamit sa pelikula, na naunawaan at naging daan upang magkaroon ng kabuluhan ang kwento.
Kalikasan ng pag-aaral
(Background of the study)
Ang pag-aaral na ito ay ginawa upang malaman ang mga bahagi ng kulturang Pilipino na matatagpuan mula sa manuskrito (script) ng pelikulang My Sassy Girl. Ang pag-aaral ay ginawa sa paniniwalang ang wikang ginamit sa pelikulang ito ay sumasalamin sa isang kultura na gumagamit ng wikang iyon. Sa kasong ito, ginamit ang wikang Filipino kung kaya naman mahihinuha na naipakita sa pelikula sa pamamagitan ng wika ang ilang bagay na sa kulturang Pilipino matatagpuan.
Ginawa ang pag-aaral na ito upang makapagdagdag ng kaalaman sa gampanin ng wika sa isang lipunan. Ayon kay Sapir at Whorf (sa Littlejohn, 2002) ang wika ng isang kultura ang nagpapasiya sa kaugalian ng nasabing kultura. Ang mundong ginagalawan ng isang tao ay nabuo sa pamamagitan ng wikang ginagamit ng kanyang grupo. Kaya naman ang lahat ng nararanasan ng isang tao ay base sa interpretasyon ng nakaugaliang wika. Ang paraan ng pag-iisip ng tao at ang paraan ng pagtingin sa mundo ay hinuhubog ng uri ng wikang gamit.
Ganito rin ang haka ni Bernstein (sa Littlejohn, 2002) sa kanyang Elaborated and Restricted Codes. Ayon sa kanya, ang wika ng isang grupo ay sumasalamin sa palagay ng grupong iyon. Sa teorya ni Bernstein, malaki ang papel na ginagampanan ng pagkakahati ng tao sa lipunan (class system) sa pagbuo at pagpapanatili ng wika. Samakatwid, ang uri ng wika na gamit ng isang grupo ay epekto ng mga relasyon sa lipunan. Natututunan ng tao sa isang grupo ang kanyang kinalalagyan dahil sa wikang kanyang gamit.
Samakatwid, ipinapakita lamang ng wika ang mga nangyayari sa isang kultura. At gaya nga ng aking nabasa mula sa isang aklat, ang wika nga daw ang tagapagdala ng isang kultura. Kung kaya’t mas lalo’t dapat napag-aralan ang mga isinalin na pelikula na tulad ng My Sassy Girl upang mas lalong makilala natin kung sino nga ba tayo bilang mga Pilipino.
Pagpapahayag ng suliranin
(Statement of the problem)
Paano nailarawan ng wikang ginamit sa pelikulang My Sassy Girl ang lipunang Pilipino?
Mga layunin
- Malaman ang naging epekto sa pagsasalin ng wika sa mensahe ng My Sassy Girl.
- Mailarawan ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral sa script ng My Sassy Girl.
Mga Suliranin
- Ano ang naging epekto ng pagsasalin ng wika sa mensahe ng My Sassy Girl?
- Paano nailarawan ng wikang Filipino sa pelikula ang lipunang Pilipino?
Limitasyon
Ang pag-aaral ay ginawa upang mabigyang linaw ang gampanin ng wikang Filipino na ginamit sa pelikulang My Sassy Girl sa paglalarawan ng kulturang Pilipino. Gayunpaman, ang pag-aaral ay hindi ginamitan ng mas lalong kilalang pamamaraan sa larangan ng panlipunang pananaliksik ngunit ginamitan ng isang qualitative na pagsipat sa script ng pelikula.
Dahil sa kahirapang maghanap ng script ng pelikula ay kinailangang isulat ito sa pamamagitan ng panunuod ng pelikula. Dahil dito, mapapansin ang kakulangan at kung minsa’y kamalian ng mga salita sa script. Dahil na rin sa maikling panahong inilaan sa paghahanda ng pag-aaral na ito, maaaring hindi naging ganun ka-ekstensibo ang mga bagay na lumabas sa pag-aaral. Gayunpaman, kampante ang tagapagsaliksik na nabigyang katarungan naman ang pagaanalisa at pag-aaral sa pelikulang My Sassy Girl.
Dahil sa kahirapang maghanap ng script ng pelikula ay kinailangang isulat ito sa pamamagitan ng panunuod ng pelikula. Dahil dito, mapapansin ang kakulangan at kung minsa’y kamalian ng mga salita sa script. Dahil na rin sa maikling panahong inilaan sa paghahanda ng pag-aaral na ito, maaaring hindi naging ganun ka-ekstensibo ang mga bagay na lumabas sa pag-aaral. Gayunpaman, kampante ang tagapagsaliksik na nabigyang katarungan naman ang pagaanalisa at pag-aaral sa pelikulang My Sassy Girl.
Pagsusuri ng mga kaugnay na pag-aaral/panulatan
(Review of Related Literature)
Hindi lamang ang Pilipinas ang napukaw ang atensyon sa mga Asyanong soap opera. Pinaniniwalaang sikat din sa ibang mga bansa tulad ng Hong Kong, Tsina, Singapore, Indonesia at maging sa Hawaii at iba’t bang bansa sa Asya.ang mga Asyanong soap opera lalo’t higit ang mga Koreyanong drama (Cabato, 2004; Wang, 2006; Forrester, 2005).
Ang mga istorya ay simple ngunit iba-iba. Sa kabila nito’y may mga pagkakatulad din sa mga kwento ang mga drama. Karaniwang umiikot ang kwento sa isang babae na mapagtatagumpayan ang maraming pagsubok sa na darating sa buha nito. Sa madaling salita, universal ang tema. Kasama rin madalas sa mga drama kasaysayan ng Korea kung kaya naman ang ga lokasyon at costume ay kinagigiliwan din ng mga manonood (Forrester, 2005; Wang, 2006).
Sapagkat ang mga palabas na galing sa Korea ay sa bansang iyon ginawa, malinaw na ipinapakita ang pagigi nitong isang mayaman na bansa. Ayon pa kay Cervantes (2006), sa mga Koreyanong palabas ay mapapansin ang pagpapahalaga sa pamilya. Sa usapin naman ng kapangyarihan, mas matimbang ang kalalakihan kaysa sa kababaihan. Mapapansing hindi sumasagot ng pabalang o nagtataas ng boses ang mga Koreyano sa nakakatanda sa kanila. Malinaw na mataas ang pagpapahalaga sa mga mas nakatatanda.
Gayunpaman, bagamat ang mga pelikulang Tsino ay tinangkilik na sa Pilipinas sa mahabang panahon, ang popularidad ng mga Tsino at Koreyanong soap opera ay tumaas lamang ng isinalin sa wikang Filipino ang mga ito. Sa pamamagitan ng pagsasalin ng wika, mas maraming Pilipino mula bata hanggang matanda ang nakaunawa sa mga Tsino at Koreyanong palabas (Cabato, 2004).
Maraming kaugnay na usapin sa pagsasalin ng wika. Ayon kina Koolstra, Peeters, at Spinhof (2002) ang pagsasalin (dubbing) ng wika ay nakakaapekto sa mensahe. Una, imposibleng maisalin ang orihinal na teksto ng buong-buo. Sa pagsasalin ng wika, kinakailangan na itama ito sa pagbuka ng bibig ng mga gumaganap sa palabas; ang orihinal na musika ay tinatanggal din at ang mga manunuod ay kailangang makinig upang maunawaan ang pinapanood.
Maraming bagay ang isinasaalang-alang sa pagsasalin ng wika. At base sa pag-aaral nina Koolstra, Peeters, at Spinhof (2002), matapos nilang hatiin sa tatlong kategorya ang mga importanteng puntos sa pagsasalin kabilang dito ang information processing, aesthetics, at learning effects, lumabas na madaling maunawaan ang mga salin na palabas subalit hindi naman ito nangangailangan ng masyadong pag-iisip. Nagkakaroon rin ng pamilyar na pakiramdam ang mga manunuod dahil sariling wika ang gamit ngunit mayroong pag-aalinlangan sa pagkamakatotohanan ng pinapanood sapagkat alam ng manunuod na nagaganap ang drama sa labas ng kanyang kultura. Mas lumalala ang pagdududa ng manonood kapag hindi mahusay ang pagkakasabay ng buka ng bibig at pagsasalita.
Saligan ng pag-aaral
(Study framework)
Ang pag-aaral na ito ay gumagamit ng Pandaigdigang Daloy ng Komunikasyon (International Flow of Communication) ni Mowlana (1985 sa McQuail and Windahl, 1993). Ayon sa modelong ito, ang pandaigdigang komunikasyon ay masalimuot at maraming bagay ang dapat na isaalang-alang sa pag-aanalisa ng mensahe. Sa madali’t sabi, ang mga palabas na ginawa sa ibang bansa at dinala sa ibang mga bansa ay naglalaman ng mga ideya na mula sa bansang pinagmulan ng mga tapos na palabas.
Ang pangkalahatang layunin ng modelo ay mailarawan ang isang pagkakasunod-sunod mula sa pinagmumulan (sender) (1) patungo sa tagatanggap (receiver) (4), na pinamamagitan ng produksyong base sa teknolohiya (2) at (3) ang sistema ng pagpapakalat (distribution). Sa pandaigdigang komunikasyon, ang sitwasyon ay naiiba sa nasyonal na lebel, na ang bawat isa sa apat na baitang ay maaaring spatially, organizationally, at culturally na hiwalay sa iba pang baitang. Ang pinagmumulan sa isang bansa ay maaaring ipasok sa mensahe na ipinapalabas sa ibang bansa.
Madalas ang bahagi ng paggawa ay tinatapos sa isang bansa at ikinakalat naman at tinatanggap sa iba. Sa mga mahihirap na bansa, mayroong malaking pagitan sa mga pinagmumulan (source), produskyon ng mensahe, at sistema ng pagpapakalat sa isang banda at ang mundo ng mga maaaring maging tagatanggap.
Ang mahabang prosesong ito ay pinamamagitan ng aksis ng teknolohiya na nagpapaalala sa atin na bawat antas sa proseso ay nakaasa sa dalawang uri ng pagkasaludhasa; kaugnay ang hardware at software. Ang production hardware ay binubuo ng mga studios, satellite links, home receivers, etc. Production software naman ang mga bagay na may kinalaman sa scripts, karapatan sa pagtatanghal, management, etc. Ang distribution software ay ukol naman sa publisidad at pag-aaral.
Marahil ang pinaka-importanteng puntos ng modelong ito ay ang kalagayan ng napakaraming dependency na madalas ay sangkot sa daloy ng komunikasyon mula mayaman patungong mahirap na bansa. Ang mga mahihirap na bansa ay umaasa sa apat na bahagi ng pagkakasunod sunod at bawat isa sa apat ay maaring pamahalaan ng pinagmulang bansa.
Bagaman mapapansing hindi malalim ang pagtukoy sa mga bagay na nakakaapekto sa apat na bahagi ng paggawa ng mga palabas, makikita naman natin ang isang pangkalahatang senaryo. Mula sa mga tagagawa hanggang sa tangatanggap, ang proseso ay hindi naiiba sa mga naunang modelo ng komunikasyon na palaging may tagapagpadala, mensahe, paraan ng pagpapadala, at tagatanggap. Sa prosesong ito, palaging may mga bagay na nakakaapekto bawat bahagi.
Pamamaraan
Ang pag-aaral na ito ay ginamitan ng isang textual analysis upang malaman kung ano nga ba ang mga bagay na tungkol sa kulturang Pilipino ang matatagpuan sa script ng My Sassy Girl. Isang mahabang proseso ang pinagdaanan upang mabuo ang pag-aaral. Kinailangan munang hanapin sa internet ang script subalit dahil sa kawalan nito’y kinailangan namang mag-download ng pelikula upang mapanuod ito at maisulat ang script ng mano mano. Inabot ng tatlong araw ang pagsusulat ng script. May kabuuang tatlumpu’t isang pahina ang nagawa pagkatapos. Sinundan ang pagsusulat ng script sa paghahanap ng mga codes sa script at mula dito’y umusbong ang mga sagot na nilalayong magbigay linaw sa suliranin ng pag-aaral na ito
Resulta at pagtalakay
Ang My Sassy Girl ay halaw sa kwentong isinulat sa internet ng isang lalaking ang pangalan ay Kim-Ho Sik. Doon isinulat niya ang mga nangyari sa kanila ng kanyang katipan sa kolehiyo. Ginawa itong nobela hanggang gawin na ring pelikula. Ang kwento ay nagsimula sa pagkukrus ng landas ng bidang lalaking si Kyun Woo at ng bidang babae sa istasyon ng tren. Bago pa mawalan ng malay, tinawag na honey ng babae si Kyun Woo. Dahil sa narinig ito ng ibang mga pasahero, napilitang tulungan ni Kyun Woo ang babae at dinala sa isang motel (Leong, 2002). Dito nagsimula ang relasyon ng dalawa.
Sa script ng pelikula, maraming bagay tungkol sa kulturang Pilipino ang lumabas. Una na rito ang paggamit ng mga wikang banyaga na karamihan ay Ingles na hindi kayang isalin sa wikang Filipino. Sa pag-uusap ni Yohan (pangalan ni Kyun Woo sa wikang Filipino), makikita ang mga salitang banyaga.
BANTAY: Nakalimutan niyo mag-register. Forty thousand won lahat.
YOHAN: Ano? Forty thousand won lahat?
BANTAY: Ayaw mo? E di sa iba na lang kayo mag-check in.
Maaaring sabihin na ito ay usapin lamang ng pagiging praktikal, sapagkat mahaba nga naman kung gagamitin ang wikang Filipino sa pagsasalin ng mga salitang ito. Ngunit sa isang mas malalim na pagsipat, makikita natin ang pagkakaroon ng mababang pagtingin ng mga Pilipino sa sarili. Sadyang mayroon tayong inferiority complex kung kaya nga ba’t mas tinatangkilik natin ang mga bagay na hindi gawang Pilipino. Sa Pilipinas pa naman, mas mataas ang pagtingin sa mga taong nagsasalita ng Ingles kaysa Filipino. At kapag nangangailangan ng autoridad (authority), ginagamit ang Ingles upang makagawa ng pagitan sa ibang tao, tulad ng ginagawa ng mga propesor sa UP na nagtuturo gamit ang Filipino ngunit nagbabago paminsan-minsan sa Ingles upang paalalahanan ang mga estudyante ng kanyang posisyon (Magay, 1999)
Malinaw din na makikita sa script ang pagiging matigas na ulo ng mga Pilipino, palaging gusto na sila ang masusunod, at hindi na iniisip ang nararamdaman ng iba. Sa isang parte ng script kung saan pinipilit ng babae si Yohan na lumangoy, ay bigla na lamang itinulak ang lalaki.
BABAE: Yohan, langoy ka naman please. Gusto ko malaman kung gaano kalalim.
YOHAN: Sus, wag kang ganyan ha.
(Itutulak ng babae si Yohan)
YOHAN: Whaaaaaahhhhhhh........ Saklolo, ah, tulungan mo ako. Saklolo...
BABAE: Wow, ok ah...
YOHAN: Saklolo... saklolo hindi ako marunong lumangoy.
BABAE: Malalim nga.
Ngunit kahit na ipinakita ang katigasan ng ulo sa script, nandoon din naman ang pagiging mabait na kung minsan ay sobra pa (Lacson, 2005)
YOHAN: Kanina ka pa ba?
BABAE: Hindi naman. Sandali lang. Si mama kasi, binilhan nga ako ng sapatos ng taas taas naman ng takong. Ang sakittuloy ng paa ko.
YOHAN: Gusto mong foot massage?
BABAE: Hindi wag na, salamat. Magpalit na lang tayo ng sapatos. Bakit ayaw mo ba?
YOHAN: Paano namang masusuot ng lalaki yan?
BABAE: Kasya naman sa yo eh.
YOHAN: Hindi pwede.
BABAE: Ganun ba? (Lalakad palayo)
YOHAN: Ha, teka. Uy, wag ka umalis. Ibibili na lang kita ng sneakers kung usto mo.
BABAE: Wag na.
YOHAN: O sige ganito na lang. Isuot mo rubber shoes ko, bibitbitin ko na lang yang sapatos mo.
Ang kulturang Pilipino ay ipinakita ring high context sa pelikula. Ibig sabihin, ang mga mensahe ay hindi madaling maintindihan sapagkat ito ay nakadepende sa kulturang pinagmumulan. Sa madaling salita, hindi lantaran ang pahayag ng mga salita. Mayroong mas malalim na ibig sabihin sa mga salita. Sa pag-uusap nina Yohan at babae sa restoran, pina-order ng babae si Yohan, subalit sa huli’y ang babae rin ang umorder.
BABAE: Umorder ka na.
YOHAN: Ah sir, isang soju tsaka kimchi soup.
BABAE: Golbangji ang kainin mo.
YOHAN: E ba't hindi ikaw ang umorder?
BABAE: Ano ba, para kang bata. (Sa waiter) Golbangji please.
Masasapantahang hindi talagang layunin ng babae na pakunin ng order si Yohan sa halip ay ipamukha lamang dito na mas tama siya sa pagkakataong yon.
Isa pang kulturang Pilipino na makikita sa script ang konsepto ng pakiramdaman. Ang pakiramdaman ay nagaganap sa pamamagitan ng pagiging sensitibo sa masalimuot na mga pahiwatig ng mga tao sa kapaligiran. Sa pagitan nina Yohan at ng babae, hindi malinaw kung ano ba talaga ang relasyon nila. Naging batayan lamang nila ang mga araw na magkasama sila subalit walang malinaw sa sitwasyon nila.
BABAE: Yohan. Pwede pong ako na lang. Yohan, asan ka na ba? Kung saan saan na kita hinanap. Yohan, diyan tayo magkita sa baba ng escalator okay? Hihintayin kita. Patay ka sa akin pag wala ka dun. Bilisan mo.
(Darating sa loob ng boooth si Yohan)
BABAE: Bakit mo ako niyakap? (Susuntukin si Yohan) Sira ka talaga ba't hindi mo iniligan?
(Sa labas ng bahay ng babae)
YOHAN: Minsan pakiramdam ko kilalang kilala ko na siya. Minsan naman hindi. Dumating na kami sa point na kailangan na naming mamimili ng tatahakin naming daan.
Ilan lamang ito sa mga bagay na makikita sa pelikula. Sa pagtutuos, ang wika ay nananatiling masalimuot sa loob ng isang kultura. Mahirap itong maunawaan kapag hindi ka kabilang sa kulturang iyon at hindi mo nararanasan ang nararanasan ng mga taong gumagamit ng isang wika. Ang wikang Filipino sa pelikulang My Sassy Girl ay naging epektibong paraan upang mailahad di lamang ang nilalaman ng kwento sa pelikula kung hindi gayundin naman ang kultura ng ating lahi.
Kongklusyon
Sa pamamagitan ng wika ay mas lalong naunawaan ng marami ang nilalaman ng pelikulang My Sassy Girl. Bagamat nalaman natin na dahil hindi maaaring maisalin ng buong buo ang orihinal na wika tungo sa wika ng isang bansa, sa kasong ito ay ang Pilipinas, kinakailangang paiklian, putulin, at kung minsa’y palitan ang mga laman ng orihinal na script. Kinailangan ding itama sa buka ng bibig ng mga gumaganap ang pagsasalin upang hindi madismaya ang mga manunuod. At dahil pandaigdigan ang usapin dito’y hindi natin maitatatwang maraming bagay ang nakaapekto sa pagsasalin. Mula pa lamang sa bansang pinagmulan nito, sa mga gumawa ng pelikula hanggang sa mga mismong nagsalin ay naipapasok ang mga ideyolohiya at paniniwala sa gawang pagsasalin. Katulad na lamang ng nangyari sa wika ng pelikula, maraming salitang balbal ang ginamit tulad ng asar, epal, boss at mga salitang banyaga na hindi maisalin sa wikang Filipino gaya ng cellphone, exam, sneakers, etc. Ngunit, nananatili sa pelikula ang tema ng pag-ibig kaya’t kahit na maraming binago dito ay napukaw pa rin ang damdamin ng mga manunuod.
Maraming bagay sa kulturang Pilipino ang naipakita. Una na nga rito ang kasalukuyang kalagayan ng mismong wika. Patuloy na nagbabago ang wika ngunit kapansin pansin na ang wikang Filipino ay naiimpluwensiyahan na ng wikang banyaga. Hindi na naman talaga ito bago ngunit habang tumatagal ay mas nagiging seryoso. Ngayon ay hindi na pinapalitan ang mga salitang nakagawian. Marahil ay wala na ring pangtumbas o kaya naman ay masyadong mahaba. Lumalabas tuloy ang pagiging inferior nating mga Pilipino.
Mababanaag din sa wika ang katigasan ng ulo ng mga Pilipino ngunit sa kabilang banda ay naroon din ang pagiging mabait na kung minsan nga ay sobra sobra pa.
Makikita rin natin sa script ang pagiging high context ng ating kultura. Sa isamg dayuhan na nasanay sa pagiging direkta, isang pagsubok ang makasalamuha ang mga Pilipino sapagkat mas binibigyan ng halaga ang ganitong uri ng kultura sa ating bansa. Ito naman ay dahil likas sa mga Pilipino ang pagiging mahiyain at takot na mawalan ng mukha sa harap ng ibang tao. Para sa mga Pilipino, mahalaga ang reputasyon kaya walang lugar sa pagkakamali. Hangga’t kayang iwasan, iiwasan.
Rekomendasyon
Sa pag-aaral na ito maraming bagay ang mas mapapagbuti kung mabibigyan ng mas mahabang panahon ang pag-aaral ng wika sa mga naisaling pelikula sa Pilipinas. Ukol sa pamamaraan ng pag-aaral, mas makabubuti kung gagamit ang mga susunod tagapagsaliksik ng mga paraan tulad ng Focus Group Discussion o ang katutubong pamamaraan ng Pagtatanong-tanong sapagkat una sa lahat ay ukol at para sa mga Pilipino naman ang pag-aaral na ito. Maaari rin naming gamitan ng Quantitative na perspektibo ang pag-aaral sapagkat maari naming gamitan ng Content Analysis ang mga script ng pelikula. Bagamat mas makabubuti kung parehong Qualitative at Quantitative ang gagamitin sa pag-aaral upang lubos na makakuha ng impormasyon.
Hinggil naman sa teoryang ginamit. Hindi pa sapat ang teorya na pag-aaral na ito sapagkat hindi nabigyan ng malalim na paliwanag ang mga bagay na nakakaapekto sa paggawa ng mga palabas mula sa ibang bansa. Oo nga’t nalaman natin na malaki ang papel ng teknolohiya sa paggawa ng mga pandaigdigang pelikula ngunit sa proseso ng pagpapakalat nito ay marahil mas marami pa ang alalahanin na dapat bigyang pansin. Gayundin naman, makabubuting bigyang puwang rin ang mga manunuod sa mga susunod na pag-aaral. Makatutulong kung malalaman natin kung paanong ang pagsasalin ay binibigyang kahulugan ng mga manunuod.
Talasanggunian:
Cabato, J. U. (2004). A partial ethnography of Asian soap opera viewers of Meteor Garden, Lavender, and Endless Love (Masteral dissertation, University of the Philippines, 2004).
Cervantes, M.F.C.V. (2006). A comparative study on the Filipino telenovela Sa Piling Mo and the koreanovela My Girl. (Undergraduate dissertation, University of the Philippines, 2006).
Forrester, C. (2005, May/June). Hot drama and convergence boost Korean broadcast market. IBE: International Broadcast Engineer, 16-18.
Koolstra, C.M., Peeters, A.L. & Spinhof, H. (2002). The pros and cons of dubbing and subtitling. European Journal of Communication, 17, 325.
Lacson, J.R. (2005). Mindsets of the Filipino: A research agenda for Filipino communicative behaviour. Unpublished document, 2005.
Leong, A.C.Y. (2002). Korean cinema: The new Hong Kong. Canada: Trafford.
Littlejohn, S.W. (2002). Theories of human communication. USA: Wadsworth.
Maggay, M.P. (1999). Understanding ambiguity in Filipino communication patterns. Quezon City: Insitute for Studies in Asian Church and Culture.
McQuail, D. and Windahl, S. (1993). Communication models for the study of mass communication. New York: Longman.
Mowlana, H. (1985). International flows of information: A global report and analysis. Paris: Unesco.
Wang, K. (2006, December 11). Move over, telenovelas: Korean dramas are next. Television Week, 25 (46), 14.
nais ko sanang maging batayan ang pag-aaral na ito sa gagawin kong tisis sa semestreng ito...
ReplyDeleteBJ, binibigyan kita ng pahintulot na gamitin ang pag-aaral na ito. Ang payo ko lamang ay bigyan mo ng pansin ang REKOMENDASYON ko upang mas mapalawak ang pag-aaral ng pagsasalin ng wika.
ReplyDeleteGayundin naman, kung may katanungan ka pa ay maari mo lamang ako'ng sulatan dito.