FEATURE OF THE WEEK

EVENTS | Why Puerto Galera In The Philippines Is Perfect for Holy Week?

Holy Week in the Philippines is one of the most anticipated holidays, and for many Filipinos, it’s an opportunity for reflection, relaxation...

Saturday, May 3, 2008

ARTICLE | Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas


Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas
isinulat ni Marcelo H. Del Pilar


Related article - 


Puso ko’y nahambal ng aking marinig
bunso, ang taghoy mo’t mapighating hibik,
wala ka, anak kong, sariling hinagpis
na hindi karamay ang in among ibig.

Wala kang dalita, walang sa kahirapan
na tinitiis kang di ko dinaramdam:
ang buhay mo’y bunga niring pagmamahal,
ang kadustaan mo’y aking kadustaan.

Pagsilang mo, bunso, sa sangmaliwanag
nang panahong ako’y di pa nagsasalat
walang inadhika ang in among liyag
kundi puspusin ka ng ginhawa’t galak.

Sa awa ng langit ikaw ay sagana
ng sukat iyamang malalagong lupa,
lahat ng pananim wala mang alaga
sa kaparangan mo’y tumutubong kusa.

Ang tabako’t kape, palay, tina’t bulak
abaka at tubo’y kailangang lahat,
sa mga lupa mo’y tantong naggugubat
itong sa sangmundo’y hirap mahagilap.

Sarisaring kalap na sakdal ng tibay
sakdal ng la-laki sa dikit ay sakdal;
hindi makikita sa sangdaigdigan,
ngunit sa budok mo’y nangagkalat lamang.

Ang asupre’t tingga, ang tanso at bakal
ang ginto at pilak ay nangahuhukay
sa mga lupa mo’t sa dagatan nama’y
sarisaring perlas ang matatagpuan.

Tantong naliligid ang mga lupa mo
ng dagat ng China’t dagat Pacifico
balang mangangalakal sa buong sangmundo
pawang naakit dumalaw sa iyo.

Talaga nga manding ikaw ang hantungan
ng sa ibang nasyong sinimpang puhunan;
ikaw nga’t di iba dapat makinabang
nang yaman sa iyo’y gawad ng Maykapal.

Sa gayo’y kailangan mata mo’y mamulat
isip ay gisingi’t nang makatalastas
ng sukat asaliing ipagkakapalad
sa buhay na ito’t nang di ka maghirap.

Akong iyong ina’y taga-tupad bilang
ng mga tadhana ng Poong Maykapal,
ipinaiwi ka’t ang hangad ko lamang
musmos na isip mo’y sakiting aralan.

Ituro sa iyo ang utang na loob
sa nagkakandiling maawaing Diyos;
matuto ka namang sumamba’t umirog,
puso mo sa kanya’y huwag makalimot.

At para mo na ngang pasalamat bilang,
makapagtanggol ka sa kapanahunan
ng aring tinamo’t maapamahalaan
tapat na paggamit ng santong katwiran.

Ang tagapagturo’y pinakapili ko,
hinirang sa lalong mabait na tao;
ako’y nabighani’t umaasang totoo
sa may sinumpaang mahigpit na boto.

Ang lahat ng prayle ay may sinumpaan
sa harap ng Diyos, na anaki’y tunay,
na ito raw mundo’y kusang tatalikdan,
kusang tumatangi sa lahat ng yaman.

Saan di nga baga, bunsong ginigiliw;
prayle ang siyang aking hihirangin
na tagapag-iwi blang taga-tingin
sa iyo’t nang di ka baga pagliluhin.

Mahigit na ngayon tatlong daan taon
na iniiwi kang prayle ang may kandong;
katiwala akong sa gayong panahon
ang isip mo’t yaman nama’y yumayabong.

Katiwala akong nagpapanuto ka
sa landas ng iyong sukat iginhawa;
katiwala akong dangal mo’t ligaya
ngayo’y tinatanghal na walang balisa.

Tatlong sacerdote ang ipinabitay,
bukod sa maraming pinahihirapan,
at dili umano’y nakapipigil daw
ng iyong ligaya, bunsong minamahal.

Hindi ko inino’t ang buo kong asa
ay pagmamasakit ang ginawa nila,
sa pagkabuhay mo’t hindi ko napunang
magdarayang udyok ng masamang pita.

Sa abang-aba ko’t laking kamalian!
laking pagkasawi! laking kadustahan!
ng ipagpabaya sa kapahamakan,
ang dapat mahaling usbong niring buhay.

Ngayon ko nga lamang, bunso, natalastas
na ang nangaaba at kinulang palad
ay pawing mabait, pawing nagsisikap
dangal ta’t katwira’y igalang ng lahat.

Prayle’y napoot sa magandang nais
ng sa ati’y tapat kung magmalasakit
ngayon ko natanto, ngayon ko nabatid
ang kandili niya’y bagkus panggagahis,

Sa kayamanan mo’y sila ang sumamsam
ngalan pa ng Diyos ang sinasangkalan
at dinadaya kang di mo raw kakamtam
ang langit kung hindi sila ang bayaran.

Di ka raw titingnan ngMahal na Birhen
kung di ka bumili ng sintas at kalmen;
pag hindi mainam ang pagpapalibing
ang harap ng Diyos, hindi sasapitin.

Sa paniniwala ng mga anak mo,
maraming naghirap, at nasa kombento
ang kanilang yama’t sila’y ingkilino
na namumuwisan sa paring natuto.

Ang lupang nilawag at pinaghirapan
ng magulang nila’t mga kanunuan
ngayo’y asyenda na’t nahulog sa kamay
ng hindi nagpagod at di namuhunan.

Ang laki at higpit sa pana-panahon
ng pagpapabuwis ay sulung ng sulong,
makasingil lamang ay di nililingon
hirap ng magsaka;t pawis na ginugol.

Salapi at pagod ng nagsisibuwis
ay walang katumbas kung di ang maghapis,
tanghaling sagana ang hindi nagpawis,
maibaon sa utang at tumangis-tangis.

Ang lahat ng ito’y ninanais sana
ng malagyang lunas ng sinta mong ina,
ngunit paanhin ko, ngayo’y matanda na,
hapo na sa hirap ako’t walang kaya.

Ang mga balitang Legazpi’t Salcedo
at iba’t iba pang inaasahan ko
sa pagkakalinga ng tapat sa iyo,
ngayon ay wala na’t inulila tayo.

Sa nangangatirang ngao’y nabubuhay
oo’t may mabait, bayani at paham;
ngunit sia-sila’y nangag-iiringan
di magkasundo sa anumang pakay.

Sa ibig ng isa’y hahadlang ang iba,
sa balang kuruin ay di magkaisa
walang mangyayari tungol may halaga
sa gayo’y paanong aasahan sila!

Kaya kailangan bunsong iniirog,
matutong magtiis iayon ang loob,
sa madlang dalita, kung ayaw kumilos
ang mga anak mo sa pagkakatulog.

Mga taga-rine, Pransuay, Alemanya
at iba pang nasyon ditto sa Europa
ay nangaghirap din sa prayle ng una
pawang nangday, pawa ring ginaga.

Kanilang nasayod lahat ng hinagpis
sa paniniwala’t maling pananalig,
sa prayleng nagpanggap ng taong malinis
na nagpakadukaha’t nag-anyong mabait.

Bayan, palibhsang marunong mahabag,
ay nahambal ngani sa nakitang hirap,
ang prayle’y kinandong, pinuspos ng lingap,
ang mga kumbento’y sumaganang lahat.

Prayle’y hindi naman nagpapahalata
daddaga’t dagdagan pag-aanyong aba,
hindi napapansin lihim nilang banta
na ang namamaya’y kanilang mapiga.

Sapagkat ang prayle’y hindi kaparis
nitong mga Paring itim kung manumit,
ang prayle ay anak sa bundok at yungib
ng mga magulang na napakagipit.

Anak sa dalagita’y buong pagsasalat
walang nalalamang gawaing paghahanap
kaya kailangang tuyuin ang lahat
upang manariwa ang sariling balat.

Pag may mamatay na tila mayaman
prayle ang aagap magpapakumpisal,
at inuukilkil na ang pamanahan
ng aring inumpok ay kumbento lamang.

Hinlog, kamag-anak ay dapat limutin
sa oras na iyon, siyang sasabihin,
kalulwa’t yaman dapat na ihain
sa prayle’t ng huwag impyerno’y sapitin.

Ang lahat ng ito’y nadaragdagan pa
ng bala-balaking panilo ng kuarta
kalmen, sintas, kordon, palibing, pamisa,
ay pawing pandukot sa maraming bulsa.

Sa gayon nang gayo’y lumaki nga naman
ang ari ng prayle’t naghirap ang bayan;
mahalinhang bigla ng kapalaluan
ang binalatkayong kababaang asal.

Diyan na naninghal, diyan na nang-api
buong kataksilan ang pangyayari,
ang bawa’t pinuno sa prayle ang kampi
baya’y namighati sa pagkaduhagi.

Ganda ng babae, ang dunong ang yaman
ay nagiging sanhi ng kapahamakan,
walang sumaklolong may kapangyarihan
sa kualita’t nayuko baras ng katwiran.

Ang balang magsabi, ang balang mag-isip
ng magpaaninaw ng santong matuwid,
walang nararating kungdi ang maamis
luha’y patuluin hanggang sa mainis.

Sapagka’t ang balang mapaghinalaan
na sa hangad nila’y di maaasahan
ay ipapahuli at pararatangan
ng salang dakila’t madlang kataksilan.

At sa bilanggua’y agad kukulungin
sa gutom at uhaw ay papipitiin,
ang lamig ng lupa’y siyang babanigin
ng sa kanyang baya’y natutuong gumiliw.
Hindi tutulutang magtamong liwanag
sa araw at gabi ay kahabag-habag
kung hapong-hapo na sa gayong paghirap
ay paaamining siya nga’y nagsukab.

May ipinapangaw ang dalawang paa
kamay at katawa’y gagapusin muna,
saka tatapatan ang sakong ng baga
hanggang di umamin sa paratang nila.

At kung masunod na ang kanilang nasa
umamin sa sala ang lipos-dalita
tali nang kasunod, parusa’y ilalagda
sa martir ng prayle’t mapapanganyaya.

Ang parusa noo’y samsamin ang yaman
Saka unti-unting alisan ng buhay;
Idaraan muna sa isang simbahan
Ang kinulang-palad . . . at saka sisigan.

Sa gitna ng plasa ay may nakahanda
na naglalalagablab na malaking siga,
diyan igagatong sa harap ng madla
ang sa kanyang baya’y ibig kumalinga.
Taghoy ng sinigan at madlang kaharap
luha ng magulang, hinlog, kamag-anak
pagtangis ng madla ay walang katapat
kundi ang sa prayleng tawa at halakhak.

Yutang-yutang tao ang nanguuyam
ng panahong yaon sa gayong paraan,
ang payapa’t aliw noon ay pumanaw
nalipos ng luksa libo-libong bayan.

ang yaman nasamsam, buhay na nakitil
ay di babahagya’t noo’y walng tigil,
ang sipag ng pralye sa gawaing magtaksil.
magsabog ng dusa, gutom at hilahil.

Ano pa nga’t noon ay kulang na lamang
Ang nangaulila’y magpapatiwakal;
Niloob ng langit, nanangagsangguinian
at nangagkaisang sila’y magdamayan.
Diyata nga kaya, ang winika nila,
at wala nang lunas sa ganitong dusa?
diyata nga baga’t itong binabata
sa inaanak nati’y ipapamana pa?
Huwag magkagayo’t yayamang namalas,
na sa daang ito’y nasubyang ang landas,
ay hawanin nating, sakitin ng lahat,
ilayo ang madla sa pagkapahamak.

Lalaki’t, babae, matanda at bata,
ngayo’y manalangin, sa langit paawa,
ang santong matwid sa kusang dinusta
ay ibangon nati’t Diyos ang bahala.

Kanilang nilusob ang mga kombento,
prayle’y inusig pinutlan ng ulo,
ang balang makitang prayleng nakatakbo
kung hindi barilin, kanilang binato.

Higanti ng baya’y kakila-kilabot
walang pagsiyahan ang kanilang poot,
ang mga kombento’y kanilang sinunog
inuring pugad ng masamang hayop.

Prayle’y nanglalaban, ngunit lalin kaya
sa galit ng bayan ang magiging kuta!
ang payapang dagat, pasiyang nagbala
ay walang bayaning makasasansala

Yaong bayang supil, dating mahinahon,
dating mapagtiis, at mapagpasahol,
inunos ng dusa’t malalaking alon
ng paghihiganti noo’y luminggatong.

Walang nakapigil, walang nakasangga,
palibhasa’y bayan ang magpaparusa
ang mga pinuno’y nawalan ng kaya,
umayon sa baya’t nang di mapag-isa.

Kaya nga bunso ko’t magpahangga ngayon
ang Prayleng lumakad sa kanilang nayon,
kahit na bata ay nagsisipukol
inu-using nilang parang asong ulol.

Sa paraang ito, bunsong minamahal,
ang dating dinusta’y makatighaw-tighaw;
ang prayle’y lumayas, iniwan ang bayan
at muling naghari ang kapayapaan.
Ngunit hindi naman ako nagpapayo
ang ganoong paraan baga’y asalin mo,
ako’y walang sukat na maisaklolo,
kaya katitii, magtiis, bunso ko.

Walang natimawa sa pagka-duhagi,
na di namumuhunan ng pamamayani;
kung hindi mo kayang prayle’y iwaksi
magtiis ka, irog, sa palad mong imbi.

Ang mga anak mo’y nangagugupiling,
sa dusting lagay mo’y di nahihilahil,
magdarayang hibo ng kaaway na lihim
siiyang diniringig, luha mo’y di pansin.

Diyata ay sino ang dapat mag-adya
sa iyo, bunso ko, kung hindi nga sila?
kung sa mga anak mo’y di makaaasa,
walang daan, irog, kundi ang magbata.

Ang araw na sila’y magka-isang loob
at mangagkagising sa pagkakatulog;
ang araw na iyan, ang araw ng Diyos
baya’y maniningil . . . Sino ang sasagot?

Kailangan bunsong, sila’y mahirati
sa pagmamasakit sa bayang sarili:
Kay Rizal na librong pamagat ay Noli . . .
huwag lilimuting ganito ang sabi:

“Panaho’y matamis sa tinubuan bayan
“at pawang panglugod ang balang matanaw,
“ang simoy sa bukid ay panghatid buhay,
“tapat ang pag-irog, subalit ang namatay.”

Alinsunod dito’y aling hirap kaya
ang sukat indahin sa pagka-kalinga,
sa sariling baya’t upang matimawa,
sa madlang pahirap at sumapayapa?

Ang lahat mong anak, ginhawa’t dukha man,
maging taga bukid, maging taga bayan,
lalaki’t babae, pantas man at mangmang,
santong matwid mo’y dapat ipatanghal.

Walang iba, bunso, na dapat hiliin
sila ng sa iyo’y tapat na pagtingin:
ang pagpapabaya’y pananagutan din,
sa harap ng Diyos sila’y sisisihin.

Mapanglaw na sumpa ng Poong May-kapal,
sa tamad na puso ay kalumbay-lumbay
“kayong nagpabaya sa sariling bayan,
“anya’y dapat naming Aking pabayaan!”

Ilayo ng langit sa ganitong sumpa
ang mga anak mo, bunsong minumutya:
sa iyo’y matuto ng pagkakalinga
matutong umampat ng iyong pagluha.

Ito na nga lamang ang maisasagot
ng salantang ina sa hibik mo, irog;
sasakyan mo’y gipo, huwag matutulog
ang mga anak mo’t masigwa sa laot.



No comments:

Post a Comment

We'd love to hear from you. Comment your reactions below.